Tuesday, July 28, 2009

700

PGMA with King AbdullahSigurado, sangkaterba ang naglalabasang sagot sa mga "kababalaghang" pinagsasabi ng Pangulo sa kanyang huling SONA kahapon. Bilang OFW na ilang ulit binanggit sa ilang minutong State of the Nation Address ni PGMA, nanggagalaiti ako sa sinabi nyang:

"Pagpunta ko ng Saudi, pinatawad ni Haring Abdullah ang 700 OFW na nasa preso. Pinuno nila ang isang buong eroplano at umuwi kasama ko."
Totoong naganap ito nung Mayo 2006 ngunit dahil wala talagang ni katiting na kredibilidad ang nagsasalita, kailangan pa talagang beripikahin ang katotohanan.

Ang unang tanong, 700 nga ba ang "napalaya"? Sa mismong wabsite ng Office of the Press Secretary ay iba-iba ang sinasabi:

~ 50 ang umuwi na kasabay ni PGMA:

"Bunye said the 50 OFWs, the biggest single group of Filipino prisoners to be released by the Saudi government, will fly home at the end of the President’s official trip to the Middle East kingdom."
Office of the Press Secretary, 2006:
~ 141 ang palalayain:

"The President will bring home at least 50 OFWs whose light sentences have been commuted/pardoned by the Saudi King," Bunye said.

He (Bunye) added that the cases of the 141 other jailed Filipinos were being processed for possible commutation of sentences and their eventual release.
Office of the Press Secretary, 2006:
~ 170 ang dumating sa Villamor Air Base (nasa larawan)

GMA greeted byrepatriated OFWs"A total of 170 overseas Filipino workers (OFWs) granted royal pardon for various crimes in the Kingdom of Saudi Arabia express their gratitude to President Gloria Macapagal-Arroyo upon their arrival at Villamor Air Base in Pasay City Thursday afternoon (May 11). They comprised the first batch of more than 500 Filipino migrant workers ordered released from various Saudi jails by King Abdullah bin Abdul Aziz Al Saud "as a gesture of friendship and compassion" during the President’s May 7-10 state visit to the oil-rich Kingdom.
Office of the Press Secretary, 2006:
Kung susumahin, malayong malayo pa din ito sa 700. Pinakamalinaw na sigurong numero ang sinabi ng statement ng Migrante International noong Mayo 11:

"Mrs. Arroyo's so called 'pasalubong' of even around 300 OFWs repatriated addresses nothing about the situation of the many more left behind," said Maita Santiago, Migrante's secretary-general, in a statement.
Maliit pa rin kumpara sa 700, pero sige na nga, aayunan ko na si Rasheed Abou-Alsamh at ang website ng OPS: 500 ang napauwi ni PGMA noong 2006. Pero nasaan pa ang nawawalang 200? Baka naisakay din sa eroplano pero nilipad ng hangin?

Ikalawang tanong: Naisabay ba talaga ni PGMA sa pag-uwi ang 700?

Mismong ang website ng OPS din ang nagsabi na 170 lamang ang nakauwi na kasabay ni GMA. Muli, isang eksaherasyon.

Ikatlong tanong: Galing ba talaga sa preso ang 700 na yun?

Sa pagkakatanda ko (isip-bata lang po ang sumulat), hindi talaga lahat ng binigyan ng "pardon" ay galing sa presuhan. Karamihan sa mga nakauwi nung panahong ito ay mga 'absconders' o 'runaways' - mga tumakas sa kani-kanilang amo dahil sa kung anu-anong kadahilanan o di kaya ay mga overstaying 'Umrah' o mga Muslim na nag-Hajj na nag-expire na ang visa.

Hindi lahat ng binigyan ng 'pardon' ay nakakulong dahil wala naman talagang kulungan para sa katulad nila. Sa mga kababaihang napauwi, madami sa kanila ang nanggaling sa Bahay Kalinga (ang de facto welfare centers) na pinamamahalaan ng Embahada ng Pilipinas at ng OWWA.

Kung gayon, kinukumpirma na ba ni PGMA ang pagturing sa mga Bahay Kalinga bilang presuhan? Kasi ang feeling ng marami ay ganun, na pinakakatanggi-tanggi siempre ng mga tauhan ng Embahada.

Sa likod ng mga numero at ng ipinapangalandakan nyang 700 na napauwi noong 2006 at sa pagkakaligtas ng dalawang Pinay mula sa parusang bitay (sina Cecilia Alcaraz sa Taiwan, May Vecina sa Kuwait, ito ang malinaw: bukod sa 702, wala na talagang iba pang maipagmamalaking accomplishment si PGMA kaugnay ng pagdamay sa mga OFWs-in-distress.

Saturday, July 25, 2009

paumanhin

paumanhin lang po sa matagal na pagkawala. nauubos kasi ang oras sa kung anu-anong bagay.

Wednesday, April 30, 2008

Ibat-ibang Kamatayan

(Part 1)

lahat tayo mamamatay.
una-una lang 'yan...

Unti-unting pinapatay ng globalisasyon ang mamamayan ng daigdig.

Sumisirit ang pagtaas ng produktong petrolyo sa pandaigdigang merkado. Umabot na ito sa lebel ng USD 119 ngayon, pinakamataas sa kasaysayan, at inaasahang tataas pa ito. Kaakibat ng resesyon sa Estados Unidos, inaasahan ang lalong pagbagsak ng halaga ng dolyar (ergo, babagsak din ang halaga ng kinikita ng migrante sa Saudi Arabia dahil sa palitan) at paglobo ng tantos ng walang trabaho (ergo, bababa ang pasahod). Isabay pa ito sa pagsirit din pataas ng presyo ng bigas sa pandaigdigang merkado.

Unti-unting pinapatay ng gobyerno ni Gloring ang mamamayang Pilipino.

Unang-una na ang iba't-ibang klase ng singilin na ipinapatong sa mga OFWs na unti-unting pumapatay sa ating hanay: OWWA at PhilHealth fees na walang pakinabang; training fees kung ikaw ay domestic service worker; recruitment at placement fees; ang SSS na binabalak gawing cumpolsary sa OFWs; at ang pinakahuli, ang 0.15% na documentary stamp tax o DST. Idagdag pa dito ang patuloy na pagsirit ng presyo ng mga bilihin laluna na ang bigas, at ang patuloy ng pagbulusok ng halaga ng kinikita dahil sa palitan.

Nitong Abril, kamatayan ng apat na tao ang tumimo sa sangka-Migrantehan ng Saudi Arabia. Ang pagkamatay nina Rey Castillo (sa loob ng Deportation Cell ng Jeddah), Domingo Hidalgo (isang pintor sa Rabigh), Venencio Lizarda (lider ng Migrante sa Jeddah), at Rey Cayago (organisador ng Migrante International) ay iba't-ibang mukha ng kamatayan ~ may nakakapagngalit, may nakakapanghinayang, ngunit lahat ay nagbibigay ng ibayong tulak upang patuloy na manindigan.

Castillo

Unang linggo ng Abril nang una naming ma-monitor ang pagkamatay ng isang Pilipino sa sa loob ng Deportation Cell ng Jeddah. Ngunit dahil hindi pa sapat ang impormasyon (ni hindi alam ng taong nag-ulat sa amin ang kanyang pangalan), wala sa posisyon ang Migrante KSA na magsalita ang kinailangan pa ang imbestigasyon (na hindi naging madali para sa amin).

Noong Abril 15, isa sa mga nakauwing stranded ang naglantad sa kamatayan ni Ryan Castillo, 30 anos, tubong Batangas City. Namatay diumano si Castillo dahil hindi agad nalapatan ng sapat at wastong atensyong medikal ang kanyang kalagayan. Dahil sa kaso, at sa naging karanasan ng mga nakauwing 'stranded', tuluyan na silang nanawagan na i-recall at palitan ang kasalukuyang mga kinatawan ng gobyerno sa Saudi Arabia. Naging defensive agad ang Konsulado ng Pilipinas dahil sa kanilang pagpapabaya sa pagmomonitor ng sitwasyon sa deportation ngunit kasabay ding inamin ang pagkamatay.

Hidalgo

Abril 18 nang ipasa sa akin ang kaso ng pagkamatay ni Domingo Hidalgo, pintor sa Rabigh - isang syudad na tatlong oras ang layo sa hilaga ng Jeddah. Ayon sa anonymous tipster (langya! parang karerista...), namatay diumano si Hidalgo dahil sa kapabayaan ng klinika kung saan sya dinala.

Kuwento ng tipster na in-assume ko na kasamahan din ni Hidalgo sa kumpanyang pinapasukan, papasok diumano ito sa trabaho nang makaramdam ng paninikip ng dibdib noong umaga ng Marso 12.

Diumano, hindi agad na inasikaso ng Clinic si Hidalgo, hinayaan munang mag-suffer sa stretcher ang mama. Nang harapin naman ng mga tauhan ng Klinika, kung anu-ano pang test daw ang isinagawa imbes na isugod na ito sa mas malaking ospital. Ito diumano ang ang maaaring naging dahilan kaya lumala ang kalagayan nito na humantong sa kanyang kamatayan.

Nanawagan ang anonymous tipster ng katarungan. Totoong wasto na hanapin ang katarungan kaugnay ng kapabayaan sa naging kalagayan ni Hidalgo kaya't tama si tipster sa pagbubunton ng sisi sa Konsulado. Dapat nga namang binubusisi ng Konsulado ang ganitong mga kaso, at ayon nga sa tipster: "OUR CONSULATE IS COMPLAINING THAT THEY HAVE BUNCH OF CASES AND HAVE NO TIME TO INVESTIGATE FOR EVERY CASE..." May rason syang magalit.

(Next: Pagpapabaya)

Wednesday, April 2, 2008

kumustahan

"kumusta naman ang sangka-Migrantehan?" natatawang bati ni Lei, ng Migrant Women's Committee kanina.

matagal na talagang hindi nakakapag-blog ang inyong lingkod! mainly dahil busy nga ~ busy sa kung anong pinagkaka-bisihan.

low profile ang Migrante Saudi Arabia lately dahil busy sa pagpapalakas ng organisasyon. kung mayroon mang direktang epekto ang kampanya sa mga stranded nating kababayan, ito ang pangangailangan na patuloy na magpalakas ng hanay.
noong March 14 ay nakiisa ang Migrants Association in Saudi Arabia o MASA sa isinagawang Second Sphinx Shotokan Karate Tournament - "Fight for a Cause" na ang proceeds ay mapupunta sa mga 'distressed' OFWs sa Bahay Kalinga ng Jeddah (Kuha ang larawan sa itaas mula sa blog ni Art, caterer ng event).

March 14 din inilunsad ang General Assembly ng Kapatiran sa Gitnang Silangan (KGS-Migrante) sa Al Jouf (Hilagang KSA) kung saan nahalal bilang Chairperson si Romeo Villacarlos (tingnan ang larawan sa ibaba). Tinalakay sa Asembliya ang kalagayan ng mga migranteng Pilipino at kung ano ang alternatibong nakalaan para sa kanila.

ilulunsad naman sa Abril 11 ang Pangkalahatang Asembliya ng Kapatiran sa Gitnang Silangan (KGS-Migrante) Riyadh Chapter.

patuloy din ang paglilikom ng tulong para sa mga 'stranded' sa ilalim ng tulay ng Al Khandara at sa mga nasa loob ng deportation ang iba't-ibang organisasyon ng OFWs sa Jeddah tulad ng Migrante-Jeddah, Migrant Womens' Committee, MASA at Kapisanan ng Migranteng Pilipino (KMP) sa pamamagitan ng kanilang barya-box na umiikot-ikot sa iba't-ibang kampo.

ito lang po muna... kapag naayos na ang settings ng computer ng inyong lingkod ay magiging regular na muli ang ating balitaan...

Tuesday, February 26, 2008

Tagumpay ni Tago

Nagtagumpay na naman si Tago. Nagtagumpay na naman si Tago na itago ang 'stranded'. Sinusulat ko ito ay isa-isa nang isinasakay ng bus ng Immigration Police ng Saudi ang mga 'stranded' na naka-camp out sa Philippine Consulate.

Dadalhin sigurado sila sa loob ng Immigration. Kung hanggang kailan sila doon, walang nakakaalam.

Kung gagawin din sa kanila ang fanning out (kung saan-saan dinala dahil doon daw malapit ang kanilang employer) sa mga nauna nang nag-due process na hanggang ngayon ay hindi pa rin naaayos ang mga papeles, di natin alam.

Kung paghihintayin din sila ng travel document tulad ng mga kababayang nahuli sa raid na kasalukuyang isang buwan nang naghihintay sa loob ng deportation, hindi rin natin alam.

Ang tanging pinanghahawakan ng mga 'stranded' ngayon ay ang tulong mula sa mga community organizations upang laging kalampagin ang Konsulada ng Jeddah at Embahada sa Riyadh para umaksyon at maagang isaayos ang kanilang pag-uwi.

Monday, February 25, 2008

BaBAy Gloria!

Pahinga muna ako sa 'stranded' ngayon pero hindi ibig sabihin na iniiwan na natin ang laban.

Umiinit na nang husto ang NBN-ZTE mess na kinasangkutan ni FG at nagpasigla ng bagong serye ng mga protesta para sa pagpapatalsik kay PGMA . Bilang mga OFW, natural sa atin ang makisangkot sa mga usapin ng ating bansa. Nakatuntong ito sa pagtingin na ang OFWs ang sumusuhay sa ekonomiya ng Pilipinas dahil sa delubyo ng 'remittances' na umabot na sa USD14B nitong nakaraang taon.

Pero ano nga ba ang paki- ng mga OFW, bakit kailangang makisangkot sa pagpapababa kay Gloria?

Maraming kailangang singilin kay Gloria kahit 900 milya ang layo natin sa Pilipinas dahil apektado ang ating pamilya sa mga patakarang ipinatupad ng kanyang administrasyon, hal. ang EVAT na nagpataas sa mga bilihin at mga serbisyong panlipunan; ang patuloy na deregulasyon ng tuition fee; pribatisasyon o komersyalisasyon ng mga hospital at mga unibersidad; atbp.

Idagdag pa dito ang patung-patong na kaso ng 'scam' ~ fertilizer scam, Garcia scam, ang Diosdado Macapagal highway, atbp...

Militarisasyon

Biktima rin ang ating pamilya ng patakarang Oplan Bantay Laya I at II na tumatarget sa mga kasapi ng legal na organisasyon. Halimbawa nito ang kaso ni Axel Pinpin, isang makata at organizer ng mga magsasaka sa Southern Tagalog na hinuli at isinangkot sa rebelyon ng mga sundalo noong 2005 (si Pinpin ay kapatid ng lider ng Migrante UAE).

Sa totoo lang, ilan ngang OFW na nakilala ko dito na sa Saudi ay mga kasapi ng organisasyon ng magsasaka sa central Luzon na tumakas mula sa surveillance at pangha-harass ng militar sa kanilang lugar.

Pero higit pa doon, kabilang sa mga krimen ng administrasyon ni Gloria sa OFW ang mga sumusunod:

1. OWWA Omnibus Policies ~ Inimplementa noong 2004. Kaya huwag na kayong magtaka kung bakit kapag may OFW na namumrublema laging sinasabi na 'walang pondo'. Dahil sa Omnibus Policies, isa-isang inalis ang mga serbisyo at proteksyon para sa OFW; kulang na lang sabihin na wala talagang mapapala ang migrante sa OWWA.

2. Transfer ng OWWA Medical insurance sa PhilHealth ~ Inimplementa noong 2004 din. Lumabas ang scam na ginamit ang pondo ng OWWA Medical sa kampanya sa eleksyon ni Gloria noong taong 'yun, kabilang na ang PhilHealth cards na ipinamudmod sa kampanyahan. Siempre, todo deny ang PhilHealth. Pahirap para sa akin mismo ang paglilipat ng medical coverage dahil bilang single na ang magulang ay less than 60 years old, wala man lang akong pakikinabangan sa PhilHealth.

3. Kapabayaan sa migranteng may problema (OFWs in distress) ~ Kelangan pa bang sabihin ito na para pumusisyon sya sa isang isyu kailangan maging national o international concern muna, halimbawa ang case ni Marilou Ranario. Paano halimbawa ang kaso ng mga 'stranded' dito sa Jeddah, o ng mga kababayan na namumulot na lang ng pagkain sa basurahan sa Kuwait? Ano nga ba ang ginagawa o sinasabi man lang ni PGMA? Wala akong naririnig o nababasa man lang. Standard practice.

Paglahok

Kahit daang milya ang layo natin, pero tayong magagawa. Isa na dito ang pagpirma sa mga online petition tulad ng sinimulan ng Migrante Middle East at BaBAy Gloria (o Bagong Bayaning Ayaw kay Gloria). Pwede kayong makipirma dito: http://www.ipetitions.com/petition/GloriaResign.

Isa pang creative way ay ang light a candle for change na pinasimulan ni Marvin Bionat sa http://www.philippineupdate.com/.

Maraming pwedeng gawin. Maging malikhain lang at siempre, maging mapangahas!

Tuesday, February 19, 2008

kasuklam-suklam 2

Kasuklam-suklam talaga ito.

Ngayong hapon, nakumpirma namin ang aming pangamba na ang 54 na kababaihang isinurender din ng Philippine Consulate sa Jawassat o Immigration Police (kasabay sila ng 24 kalalakihang 'stranded') ang nanganganib na maisauli sa kani-kanilang amo.

Nakausap ko si Marlee. 12 daw sila na inihiwalay ng selda at kumpirmadong dadalhin din sa Riyadh ngayong araw na ito kung saan sila kukunin isa-isa ng kani-kanilang mga amo. Inaasahan namin na katulad ng naunang grupo ng 13 na ngayo'y humaharap sa kasuklam-suklam na sitwasyon.

Kabilang sa 12 si Nanay Leonora Somera, tubong San Jose City Nueva Ecija, mahigit 60 taon, DH na naging pastol ng kambing. Hindi sya sinuwelduhan ng amo sa loob ng 18 taon. Dalawang taon at kalahati sya sa loob ng Welfare Center sa Jeddah, habang dinidinig ang kanyang kaso at nitong nakaraang taon, ipinangalandakan ng Philippine Consulate na natapos na ang kaso at makakauwi na sya. Nang mag-campout ang mga 'stranded', saka lang natin na-kumpirma na andun pa sya at hindi pa rin nakakauwi.

Sariwa pa sa alaala ng mga nag-CampOut ang pag-asa ni Nanay Leonora na makauwi sa pamamagitan ng 'due process.' Ngayon, nanganganib syang maibalik sa impyernong tinakasan nya.

Walang kahihinatnan

Kabilang sa grupong ito ng 54 ang 43 na kababaihang kinupkop o ikinulong sa loob ng Welfare Center na kinumbinse ng kani-kanilang mga case officer na magpa-deport na lang dahil diumano'y "walang kahihinatnan" ang kanilang nga problema. Karamihan sa kanila ay DH na tumakas sa mga amo dahil hindi pinasuweldo, minaltrato, atbp.

Kabilang sa grupong ito si Syrel Morada na ang kamag-anak sa Australia ay kasapi ng Migrante kaya ipinasa ang kaso sa atin, bagamat walang balita kung kabilang sya sa 12katao na dadalhin sa Riyadh.

Ngayon lang, habang tatapusin ko sana ang blog entry na ito, nakausap kong muli ang nagpakilalang si Sarah, ang nanay ng batang si Ryan na karga-karga ko sa larawang ito. Buntis si Sarah ng tatlong buwan nang makausap namin sya sa ilalim ng tulay ng Al Khandara.

Diumano, lahat pala silang 54 ay isa-isang isinasauli sa kani-kanilang amo. Mauuna lang daw ang 12 dahil may kalayuan ang pagdadalhan sa kanila sa Riyadh. Ilang kasamahan na daw nila ang nabawi ngayong araw na ito (bagamat hindi nya matandaan ang mga pangalan).

Tinanong ko ang kalagayan nila sa loob ng selda. Siksikan din daw sila doon dahil sa dami ng ibang lahi ("mga maiitim," sabi nya) bagamat nakakahiga naman daw sila kahit papaano. Tulad ng naunang ulat, agawan pa rin sa pagkain kaya't nahihirapan ang katulad nyang buntis. Nagtatae daw ang iba sa kanila at dalawang bata, kabilang na si Ryan ay nilagnat muli kagabi.

Tinanong ko kung mayroon man lang bang dumalaw sa kanila na galing ng Konsulada, wala daw syang nakita.

"Kuya, tulungan mo naman kami..." pahabol pa ni Sarah sa akin.

Nagngingitngit ako sa kapalaluan ng ginawang ito ng Konsulada, laluna na ni Consul General Ezzedin Tago.

Our people does not deserve this. OFWs in Jeddah does not deserve Tago (XXX - edited). Ayokong maulit ang pananawagang recall ng Migrante noong 2004 matapos ang barubal na handling sa mga nag-hunger strike sa Embassy sa Riyadh, ngunit nag-iisip akong maige ngayon!