lahat tayo mamamatay.
una-una lang 'yan...
Unti-unting pinapatay ng globalisasyon ang mamamayan ng daigdig.
Sumisirit ang pagtaas ng produktong petrolyo sa pandaigdigang merkado. Umabot na ito sa lebel ng USD 119 ngayon, pinakamataas sa kasaysayan, at inaasahang tataas pa ito. Kaakibat ng resesyon sa Estados Unidos, inaasahan ang lalong pagbagsak ng halaga ng dolyar (ergo, babagsak din ang halaga ng kinikita ng migrante sa Saudi Arabia dahil sa palitan) at paglobo ng tantos ng walang trabaho (ergo, bababa ang pasahod). Isabay pa ito sa pagsirit din pataas ng presyo ng bigas sa pandaigdigang merkado.
Unti-unting pinapatay ng gobyerno ni Gloring ang mamamayang Pilipino.
Unang-una na ang iba't-ibang klase ng singilin na ipinapatong sa mga OFWs na unti-unting pumapatay sa ating hanay: OWWA at PhilHealth fees na walang pakinabang; training fees kung ikaw ay domestic service worker; recruitment at placement fees; ang SSS na binabalak gawing cumpolsary sa OFWs; at ang pinakahuli, ang 0.15% na documentary stamp tax o DST. Idagdag pa dito ang patuloy na pagsirit ng presyo ng mga bilihin laluna na ang bigas, at ang patuloy ng pagbulusok ng halaga ng kinikita dahil sa palitan.
Nitong Abril, kamatayan ng apat na tao ang tumimo sa sangka-Migrantehan ng Saudi Arabia. Ang pagkamatay nina Rey Castillo (sa loob ng Deportation Cell ng Jeddah), Domingo Hidalgo (isang pintor sa Rabigh), Venencio Lizarda (lider ng Migrante sa Jeddah), at Rey Cayago (organisador ng Migrante International) ay iba't-ibang mukha ng kamatayan ~ may nakakapagngalit, may nakakapanghinayang, ngunit lahat ay nagbibigay ng ibayong tulak upang patuloy na manindigan.
Castillo
Unang linggo ng Abril nang una naming ma-monitor ang pagkamatay ng isang Pilipino sa sa loob ng Deportation Cell ng Jeddah. Ngunit dahil hindi pa sapat ang impormasyon (ni hindi alam ng taong nag-ulat sa amin ang kanyang pangalan), wala sa posisyon ang Migrante KSA na magsalita ang kinailangan pa ang imbestigasyon (na hindi naging madali para sa amin).
Noong Abril 15, isa sa mga nakauwing stranded ang naglantad sa kamatayan ni Ryan Castillo, 30 anos, tubong Batangas City. Namatay diumano si Castillo dahil hindi agad nalapatan ng sapat at wastong atensyong medikal ang kanyang kalagayan. Dahil sa kaso, at sa naging karanasan ng mga nakauwing 'stranded', tuluyan na silang nanawagan na i-recall at palitan ang kasalukuyang mga kinatawan ng gobyerno sa Saudi Arabia. Naging defensive agad ang Konsulado ng Pilipinas dahil sa kanilang pagpapabaya sa pagmomonitor ng sitwasyon sa deportation ngunit kasabay ding inamin ang pagkamatay.
Hidalgo
Abril 18 nang ipasa sa akin ang kaso ng pagkamatay ni Domingo Hidalgo, pintor sa Rabigh - isang syudad na tatlong oras ang layo sa hilaga ng Jeddah. Ayon sa anonymous tipster (langya! parang karerista...), namatay diumano si Hidalgo dahil sa kapabayaan ng klinika kung saan sya dinala.
Kuwento ng tipster na in-assume ko na kasamahan din ni Hidalgo sa kumpanyang pinapasukan, papasok diumano ito sa trabaho nang makaramdam ng paninikip ng dibdib noong umaga ng Marso 12.
Diumano, hindi agad na inasikaso ng Clinic si Hidalgo, hinayaan munang mag-suffer sa stretcher ang mama. Nang harapin naman ng mga tauhan ng Klinika, kung anu-ano pang test daw ang isinagawa imbes na isugod na ito sa mas malaking ospital. Ito diumano ang ang maaaring naging dahilan kaya lumala ang kalagayan nito na humantong sa kanyang kamatayan.
Nanawagan ang anonymous tipster ng katarungan. Totoong wasto na hanapin ang katarungan kaugnay ng kapabayaan sa naging kalagayan ni Hidalgo kaya't tama si tipster sa pagbubunton ng sisi sa Konsulado. Dapat nga namang binubusisi ng Konsulado ang ganitong mga kaso, at ayon nga sa tipster: "OUR CONSULATE IS COMPLAINING THAT THEY HAVE BUNCH OF CASES AND HAVE NO TIME TO INVESTIGATE FOR EVERY CASE..." May rason syang magalit.