Pahinga muna ako sa 'stranded' ngayon pero hindi ibig sabihin na iniiwan na natin ang laban.
Umiinit na nang husto ang NBN-ZTE mess na kinasangkutan ni FG at nagpasigla ng bagong serye ng mga protesta para sa pagpapatalsik kay PGMA . Bilang mga OFW, natural sa atin ang makisangkot sa mga usapin ng ating bansa. Nakatuntong ito sa pagtingin na ang OFWs ang sumusuhay sa ekonomiya ng Pilipinas dahil sa delubyo ng 'remittances' na umabot na sa USD14B nitong nakaraang taon.
Pero ano nga ba ang paki- ng mga OFW, bakit kailangang makisangkot sa pagpapababa kay Gloria?
Maraming kailangang singilin kay Gloria kahit 900 milya ang layo natin sa Pilipinas dahil apektado ang ating pamilya sa mga patakarang ipinatupad ng kanyang administrasyon, hal. ang EVAT na nagpataas sa mga bilihin at mga serbisyong panlipunan; ang patuloy na deregulasyon ng tuition fee; pribatisasyon o komersyalisasyon ng mga hospital at mga unibersidad; atbp.
Idagdag pa dito ang patung-patong na kaso ng 'scam' ~ fertilizer scam, Garcia scam, ang Diosdado Macapagal highway, atbp...
Militarisasyon
Biktima rin ang ating pamilya ng patakarang Oplan Bantay Laya I at II na tumatarget sa mga kasapi ng legal na organisasyon. Halimbawa nito ang kaso ni Axel Pinpin, isang makata at organizer ng mga magsasaka sa Southern Tagalog na hinuli at isinangkot sa rebelyon ng mga sundalo noong 2005 (si Pinpin ay kapatid ng lider ng Migrante UAE).
Sa totoo lang, ilan ngang OFW na nakilala ko dito na sa Saudi ay mga kasapi ng organisasyon ng magsasaka sa central Luzon na tumakas mula sa surveillance at pangha-harass ng militar sa kanilang lugar.
Pero higit pa doon, kabilang sa mga krimen ng administrasyon ni Gloria sa OFW ang mga sumusunod:
1. OWWA Omnibus Policies ~ Inimplementa noong 2004. Kaya huwag na kayong magtaka kung bakit kapag may OFW na namumrublema laging sinasabi na 'walang pondo'. Dahil sa Omnibus Policies, isa-isang inalis ang mga serbisyo at proteksyon para sa OFW; kulang na lang sabihin na wala talagang mapapala ang migrante sa OWWA.
2. Transfer ng OWWA Medical insurance sa PhilHealth ~ Inimplementa noong 2004 din. Lumabas ang scam na ginamit ang pondo ng OWWA Medical sa kampanya sa eleksyon ni Gloria noong taong 'yun, kabilang na ang PhilHealth cards na ipinamudmod sa kampanyahan. Siempre, todo deny ang PhilHealth. Pahirap para sa akin mismo ang paglilipat ng medical coverage dahil bilang single na ang magulang ay less than 60 years old, wala man lang akong pakikinabangan sa PhilHealth.
3. Kapabayaan sa migranteng may problema (OFWs in distress) ~ Kelangan pa bang sabihin ito na para pumusisyon sya sa isang isyu kailangan maging national o international concern muna, halimbawa ang case ni Marilou Ranario. Paano halimbawa ang kaso ng mga 'stranded' dito sa Jeddah, o ng mga kababayan na namumulot na lang ng pagkain sa basurahan sa Kuwait? Ano nga ba ang ginagawa o sinasabi man lang ni PGMA? Wala akong naririnig o nababasa man lang. Standard practice.
Paglahok
Kahit daang milya ang layo natin, pero tayong magagawa. Isa na dito ang pagpirma sa mga online petition tulad ng sinimulan ng Migrante Middle East at BaBAy Gloria (o Bagong Bayaning Ayaw kay Gloria). Pwede kayong makipirma dito: http://www.ipetitions.com/petition/GloriaResign.
Isa pang creative way ay ang light a candle for change na pinasimulan ni Marvin Bionat sa http://www.philippineupdate.com/.
Maraming pwedeng gawin. Maging malikhain lang at siempre, maging mapangahas!
Monday, February 25, 2008
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment