Tuesday, February 26, 2008

Tagumpay ni Tago

Nagtagumpay na naman si Tago. Nagtagumpay na naman si Tago na itago ang 'stranded'. Sinusulat ko ito ay isa-isa nang isinasakay ng bus ng Immigration Police ng Saudi ang mga 'stranded' na naka-camp out sa Philippine Consulate.

Dadalhin sigurado sila sa loob ng Immigration. Kung hanggang kailan sila doon, walang nakakaalam.

Kung gagawin din sa kanila ang fanning out (kung saan-saan dinala dahil doon daw malapit ang kanilang employer) sa mga nauna nang nag-due process na hanggang ngayon ay hindi pa rin naaayos ang mga papeles, di natin alam.

Kung paghihintayin din sila ng travel document tulad ng mga kababayang nahuli sa raid na kasalukuyang isang buwan nang naghihintay sa loob ng deportation, hindi rin natin alam.

Ang tanging pinanghahawakan ng mga 'stranded' ngayon ay ang tulong mula sa mga community organizations upang laging kalampagin ang Konsulada ng Jeddah at Embahada sa Riyadh para umaksyon at maagang isaayos ang kanilang pag-uwi.

Monday, February 25, 2008

BaBAy Gloria!

Pahinga muna ako sa 'stranded' ngayon pero hindi ibig sabihin na iniiwan na natin ang laban.

Umiinit na nang husto ang NBN-ZTE mess na kinasangkutan ni FG at nagpasigla ng bagong serye ng mga protesta para sa pagpapatalsik kay PGMA . Bilang mga OFW, natural sa atin ang makisangkot sa mga usapin ng ating bansa. Nakatuntong ito sa pagtingin na ang OFWs ang sumusuhay sa ekonomiya ng Pilipinas dahil sa delubyo ng 'remittances' na umabot na sa USD14B nitong nakaraang taon.

Pero ano nga ba ang paki- ng mga OFW, bakit kailangang makisangkot sa pagpapababa kay Gloria?

Maraming kailangang singilin kay Gloria kahit 900 milya ang layo natin sa Pilipinas dahil apektado ang ating pamilya sa mga patakarang ipinatupad ng kanyang administrasyon, hal. ang EVAT na nagpataas sa mga bilihin at mga serbisyong panlipunan; ang patuloy na deregulasyon ng tuition fee; pribatisasyon o komersyalisasyon ng mga hospital at mga unibersidad; atbp.

Idagdag pa dito ang patung-patong na kaso ng 'scam' ~ fertilizer scam, Garcia scam, ang Diosdado Macapagal highway, atbp...

Militarisasyon

Biktima rin ang ating pamilya ng patakarang Oplan Bantay Laya I at II na tumatarget sa mga kasapi ng legal na organisasyon. Halimbawa nito ang kaso ni Axel Pinpin, isang makata at organizer ng mga magsasaka sa Southern Tagalog na hinuli at isinangkot sa rebelyon ng mga sundalo noong 2005 (si Pinpin ay kapatid ng lider ng Migrante UAE).

Sa totoo lang, ilan ngang OFW na nakilala ko dito na sa Saudi ay mga kasapi ng organisasyon ng magsasaka sa central Luzon na tumakas mula sa surveillance at pangha-harass ng militar sa kanilang lugar.

Pero higit pa doon, kabilang sa mga krimen ng administrasyon ni Gloria sa OFW ang mga sumusunod:

1. OWWA Omnibus Policies ~ Inimplementa noong 2004. Kaya huwag na kayong magtaka kung bakit kapag may OFW na namumrublema laging sinasabi na 'walang pondo'. Dahil sa Omnibus Policies, isa-isang inalis ang mga serbisyo at proteksyon para sa OFW; kulang na lang sabihin na wala talagang mapapala ang migrante sa OWWA.

2. Transfer ng OWWA Medical insurance sa PhilHealth ~ Inimplementa noong 2004 din. Lumabas ang scam na ginamit ang pondo ng OWWA Medical sa kampanya sa eleksyon ni Gloria noong taong 'yun, kabilang na ang PhilHealth cards na ipinamudmod sa kampanyahan. Siempre, todo deny ang PhilHealth. Pahirap para sa akin mismo ang paglilipat ng medical coverage dahil bilang single na ang magulang ay less than 60 years old, wala man lang akong pakikinabangan sa PhilHealth.

3. Kapabayaan sa migranteng may problema (OFWs in distress) ~ Kelangan pa bang sabihin ito na para pumusisyon sya sa isang isyu kailangan maging national o international concern muna, halimbawa ang case ni Marilou Ranario. Paano halimbawa ang kaso ng mga 'stranded' dito sa Jeddah, o ng mga kababayan na namumulot na lang ng pagkain sa basurahan sa Kuwait? Ano nga ba ang ginagawa o sinasabi man lang ni PGMA? Wala akong naririnig o nababasa man lang. Standard practice.

Paglahok

Kahit daang milya ang layo natin, pero tayong magagawa. Isa na dito ang pagpirma sa mga online petition tulad ng sinimulan ng Migrante Middle East at BaBAy Gloria (o Bagong Bayaning Ayaw kay Gloria). Pwede kayong makipirma dito: http://www.ipetitions.com/petition/GloriaResign.

Isa pang creative way ay ang light a candle for change na pinasimulan ni Marvin Bionat sa http://www.philippineupdate.com/.

Maraming pwedeng gawin. Maging malikhain lang at siempre, maging mapangahas!

Tuesday, February 19, 2008

kasuklam-suklam 2

Kasuklam-suklam talaga ito.

Ngayong hapon, nakumpirma namin ang aming pangamba na ang 54 na kababaihang isinurender din ng Philippine Consulate sa Jawassat o Immigration Police (kasabay sila ng 24 kalalakihang 'stranded') ang nanganganib na maisauli sa kani-kanilang amo.

Nakausap ko si Marlee. 12 daw sila na inihiwalay ng selda at kumpirmadong dadalhin din sa Riyadh ngayong araw na ito kung saan sila kukunin isa-isa ng kani-kanilang mga amo. Inaasahan namin na katulad ng naunang grupo ng 13 na ngayo'y humaharap sa kasuklam-suklam na sitwasyon.

Kabilang sa 12 si Nanay Leonora Somera, tubong San Jose City Nueva Ecija, mahigit 60 taon, DH na naging pastol ng kambing. Hindi sya sinuwelduhan ng amo sa loob ng 18 taon. Dalawang taon at kalahati sya sa loob ng Welfare Center sa Jeddah, habang dinidinig ang kanyang kaso at nitong nakaraang taon, ipinangalandakan ng Philippine Consulate na natapos na ang kaso at makakauwi na sya. Nang mag-campout ang mga 'stranded', saka lang natin na-kumpirma na andun pa sya at hindi pa rin nakakauwi.

Sariwa pa sa alaala ng mga nag-CampOut ang pag-asa ni Nanay Leonora na makauwi sa pamamagitan ng 'due process.' Ngayon, nanganganib syang maibalik sa impyernong tinakasan nya.

Walang kahihinatnan

Kabilang sa grupong ito ng 54 ang 43 na kababaihang kinupkop o ikinulong sa loob ng Welfare Center na kinumbinse ng kani-kanilang mga case officer na magpa-deport na lang dahil diumano'y "walang kahihinatnan" ang kanilang nga problema. Karamihan sa kanila ay DH na tumakas sa mga amo dahil hindi pinasuweldo, minaltrato, atbp.

Kabilang sa grupong ito si Syrel Morada na ang kamag-anak sa Australia ay kasapi ng Migrante kaya ipinasa ang kaso sa atin, bagamat walang balita kung kabilang sya sa 12katao na dadalhin sa Riyadh.

Ngayon lang, habang tatapusin ko sana ang blog entry na ito, nakausap kong muli ang nagpakilalang si Sarah, ang nanay ng batang si Ryan na karga-karga ko sa larawang ito. Buntis si Sarah ng tatlong buwan nang makausap namin sya sa ilalim ng tulay ng Al Khandara.

Diumano, lahat pala silang 54 ay isa-isang isinasauli sa kani-kanilang amo. Mauuna lang daw ang 12 dahil may kalayuan ang pagdadalhan sa kanila sa Riyadh. Ilang kasamahan na daw nila ang nabawi ngayong araw na ito (bagamat hindi nya matandaan ang mga pangalan).

Tinanong ko ang kalagayan nila sa loob ng selda. Siksikan din daw sila doon dahil sa dami ng ibang lahi ("mga maiitim," sabi nya) bagamat nakakahiga naman daw sila kahit papaano. Tulad ng naunang ulat, agawan pa rin sa pagkain kaya't nahihirapan ang katulad nyang buntis. Nagtatae daw ang iba sa kanila at dalawang bata, kabilang na si Ryan ay nilagnat muli kagabi.

Tinanong ko kung mayroon man lang bang dumalaw sa kanila na galing ng Konsulada, wala daw syang nakita.

"Kuya, tulungan mo naman kami..." pahabol pa ni Sarah sa akin.

Nagngingitngit ako sa kapalaluan ng ginawang ito ng Konsulada, laluna na ni Consul General Ezzedin Tago.

Our people does not deserve this. OFWs in Jeddah does not deserve Tago (XXX - edited). Ayokong maulit ang pananawagang recall ng Migrante noong 2004 matapos ang barubal na handling sa mga nag-hunger strike sa Embassy sa Riyadh, ngunit nag-iisip akong maige ngayon!

Monday, February 18, 2008

kasuklam-suklam

Kasuklam-suklam. Iyan ang pagkaka-describe ni Jim, isang 'stranded' na Pinoy tungkol sa kanilang kalagayan sa deportation sa Riyadh, Saudi Arabia.

Hindi ko pa naitanong kung paano naging 'stranded' si Jim ngunit kasama sya sa 24 na kalalakihan na pumirma sa 'legal deportation process' na inilako ni Consul General Ezzedin Tago. Ini-endorso ni Tago ang 24 sa Immigration Police ng Saudi Arabia at pinick-up sa loob mismo ng Konsulada noong Pebrero 10.

Matatandaan na noong kainitan ng camp-out ng humigit-kumulang 88 'stranded' sa Philippine Consulate, inilako ni Tago at ng mga alipores nya ang 'legal deportation process' o 'due process' upang hatiin ang mahigpit na pagkakaisa ng mga 'stranded.' Dalawa lang mula sa 88 ang pumayag ngunit pinagtatawagan ng Konsulada ang iba pang 'stranded' na nasa labas at nagtatrabaho, hinikayat na lumitaw, at pinaasang makakauwi sa pamamagitan ng 'due process' kaya't umabot ang grupo sa 24.

Sa isang banda ay nagtagumpay ang Konsulada na hatiin ang grupo dahil mula sa orihinal na 88 kalalakihan, may humiwalay na 12 pa.

Bakit mahigpit ang paninindigan ng mga 'stranded' na huwag tanggapin ang alok na 'due process'? Simple lang ~ dahil nanganganib silang maibalik sa kani-kanilang mga employer na tinakasan na nga nila dulot ng iba't-ibang kaso ng pang-aabuso, pagmamaltrato at paglabag sa kani-kanilang kontrata. (At tama ang pagsusuri ng mga 'stranded' dahil kumpirmado nang isa sa 24 ay nabawi na ng employer na tinakasan nito.)

Frantic

Kahapon, naging sunud-sunod ang miscall at text ng mga 'stranded' na nag-due process. Kung matatandaan, sila yung nag-text tungkol sa kanilang kawawang kalagayan sa loob ng 'deportation' ng Jeddah. Ibinabyahe daw sila ng Jawassat (o Immigration Police) patungo sa Riyadh. Ayon kay A.E., 13 daw sila at nakaposas silang lahat kaya hindi nila maintindihan kung bakit gayong hindi naman sila kriminal. (May statement ang Migrante Saudi Arabia kaugnay nito...)

Saktong 3:18 PM (Saudi time), tumawag akong muli sanhi ng kanilang miscall. Nakarating na daw sila sa Riyadh. Si Jim na ang kausap ko dahil sa kanya pala ang telepono. Ipinasok daw sila sa isang selda na ang laki ay 8 x 15 m (malaki pa ng konti ang isang regular na classroom sa Pinas) kasama ang 100 pa na ibat-ibang lahi.

Nag-litanya na si Jim:

"Depressed na kaming lahat dito, sir. Walang mahigaan dito. Hindi kami makalakad sa sobrang siksikan. Tayo-upo lang kami. Gitgitan pa ang pag-upo. Nasa eskinita na kami, sir. Ako andito na ako sa may rehas, tabi ng pinto. Hindi pa
kami kumakain mula kanina."

"Kasuklam-suklam ang kalagayan namin dito, sir. Please tulungan nyo kami na maiparating sa lahat kung ano ang kalagayan namin dito."


"Yung isang kasamahan namin hinang-hina na... si Noel... Farrales. Sa sobrang init, saka pagod."


"Ano ba naman itong ginawa nila sa amin, sir. Hindi ito ang sinabi nila sa amin nong pinapamirma nila kami ng 'due process..."

"Hindi namin alam kung bakit balik kami uli sa simula. Sinisingil kami para daw sa litrato e anong ibibigay namin, wala na kaming pera."

"Tumawag ako kay Andam (tauhan ng Consulate sa Jeddah) nagulat din sya bakit kami andito. Ang sabi sa amin, bukas pa daw kami pupuntahan... Hindi man lang ba kami pwedeng silipin maski sandali lang. Sabi nya, bukas na lang daw..."

"Huwag mo na lang sabihin pangalan ko, sir. Ma... ano ang pamilya ko pag nalaman nila na ganito ang kalagayan ko ngayon dito..."

Noon, naglubay kami sa pagbatikos sa Konsulada upang bigyang daan ang kung anumang plano nila para sa mga kakabayan natin. Ngayon, panahon nang muli nang paniningil!

Sunday, February 17, 2008

nag-lay low ba?

Stranded Pa Rin 2

Sinadya talaga naming mag-lay low nang kaunti sa paglalabas ng statement kaugnay ng mga 'stranded' upang bigyan ng puwang ang anumang hakbang na ninais gawin ni Consul General Ezzedin Tago. Ang pagpipigil naming iyon ay batay na rin kahilingan ng mga 'stranded'.

Ang totoo, bilang indibidwal (dahil hindi iyon ang konsensus ng Migrante KSA), gusto kong magtiwala kay Consul General Ezzedin Tago. Una, dahil kaa-appoint pa lang nya at naniniwala akong kailangan talaga ng bagong dugo sa hanay ng Konsulado ng Pilipinas sa Jeddah. Ikalawa, dahil inaamin kong natugunan naman nya ang mga nauna naming mga request para sa pagpapauwi kina Laura 'Aya' Torres (aka Starlight Lara, Nora Torino) at Noralyn Mamasalagat.

Nagagalit diumano si ConGen Tago sa Migrante KSA dahil sa mga pahayag na katulad nito:

"We believe it is the height of callousness to ask them to go through the same process that forced them to camp out under the bridge in the first place," Ociones adds.

"Migrante urges immediate repatriation of stranded Filipinos in Jeddah."
(Migrante Saudi Arabia News Release dated 03 February 2008) At saka dito:

Carlos Rebutar, Spokesperson for the group of some 88 'stranded' OFWs said today. “The black headbands signify the death of our families as the Philippine Consulate refuses to lift a finger to alleviate our plight.”

"Stranded Filipinos starts wearing black headbands, reiterates appeal for repatriation."
(Migrante Saudi Arabia News Release dated 11 February 2008)
Sabayan pa ito ng hirit ni DFA Undersecretary for Special Concerns Rafael Seguis na nagsabing:

"We never do anything right for Migrante. They are all talk. Why don't they be the ones to talk to the Saudi Arabian government and help OFWs?"

Stranded OFWs must go through legal process - DFA
By Pia Lee-Brago
Philippine Star. February 9, 2008
Posted in http://www.abs-cbnnews.com/storypage.aspx?StoryId=108545
May mahaba kaming sagot sa pinagsasabi ni USec Seguis pero saka na iyon. Gusto ko lang idiin na magkakatono na sa koro ang mga tauhan ng Department of Foreign Affairs. Halimbawa, reaksyon diumano ni Vice Consul Jose Jacob Jr. noong magtali ng itim na tela ang mga 'stranded' bilang protesta na "maka-karma din kayo. Ginagamit nyo pa ang patay..."

Idagdag pa ang palaging pagpupumilit diumano ni Vice Consul Jacob kay Carlos Rebutar na amining sya'y kasapi ng Migrante. Hirit diumano ni Vice Consul Jacob kay Caloy noong mag-dialogue ang Konsulada at ang mga 'stranded': "Migrante ka ba? Kasi pareho kayo kung tumira."

Cliche' na kung tutuusin ang kasabihang 'kapag defensive, guilty'. Ngunit hindi ako naniniwala sa cliche na nabanggit dahil umaasa pa rin ako sa bukal na kabutihang loob ng bawat tao, laluna kay ConGen Tago na half-Pinoy, half-Egyptian pala.

Ngunit hindi ko babawiin ang nasabi na dahil malinaw at matatag ang aming tinutuntungan.

Higit sa lahat, ang mga pangyayari ang magpapatunay ng katotohanan.

Saturday, February 16, 2008

stranded pa rin

Notes ni Droidz

May nag-miscall sa akin kanina paggising na paggising ko. Dahil hindi ko kilala ang number, inalam ko kung sino at eto ang sagot nya:

Nandito po ako s deportation. Ako c a.e. S gusali n # 1 ay 66 kming pinoy. Mrmi s amin my ubo, s gabi, 2 o tatlo my fever. Vgay help consulate.. Qlang.

Baka pag-initan ng mga tauhan ng Consulate si a.e. kaya itinago ko ang pangalan nya. Kilala ko siya dahil kasama si a.e. sa original na 88 stranded mula sa Al Khandara Bridge na nagtungo sa Philippine Consulate upang humingi ng tulong para makauwi. Isa sya sa mga tumanggap ng 'due process' na inilako ni Consul General Tago.

Tinanong ko ulit kung wala bang pumupuntang tauhan ang Philippine Consulate at ito ang huling text nya kaninang 08:50:07am.
Meron, vgay cla gamot pero qlang. 2box n expectont capsule. N involve n kmi sa away, laban ibang lahi. Cge bye bye n me pulis.
Ganyan ang totoong sitwasyon ngayon ng mga 'stranded' sa loob ng Deportation.

Sa loob ng Deportation ay may tatlong building o 'selda.' Ang Building 1 na binabanggit ni a.e. ay ang Selda 1 kung saan pino-process ang mga bagong dating. Dito, tinutukoy pa lang ang identity ng mga 'deportees', tinutukoy kung sino ang kanilang 'employer' at inaalam kung may nakasampang kaso laban sa kanila ang kanilang employer. Kung walang naghahabol, ililipat sila sa Selda Dos para sa paghahanda ng 'travel document' hanggang makarating sa Selda 3 para sa mga naghihintay na lang ng booking ng flight pauwi.

Ang away na binabanggit ni a.e. dito ay kaugnay ng pagkain ~ sa loob kasi ang pagkain ay hindi dini-distribute ~ inilalagay lang ito sa isang bandehadong sinlaki ng takip ng drum at bahala ang mga taong mag-agawan para makakain. Noong nakaraang linggo, namonitor ng Migrante Saudi Arabia na dalawang babaeng kababayan natin ang na-bartolina dahil sa ganitong awayan kaya hindi natin maiwasan ang hindi mag-alala sa kalagayan nina a.e.

Lumalabas sa monitoring ng Migrante KSA na tanging ang 17 at isang bata pa lamang na naunang dinampot ng Immigration Police sa Al Khandara Bridge noong February 5 at ang 5 na nauna na nilang inabutan doon, ang nakakauwi. Nananatili pa rin sa loob ng Deportation ang 53 kababaihan na ipinasok naman noong February 10 at nalaman din ng Migrante KSA na abot sa 20+ sa kanila ay nanganganib na bawiin ng kani-kanilang mga employer, kung hindi man ay makulong.

Sa loob ng Konsulada ay nananatiling nagkakampo pa rin ang 72 'stranded' at nauubusan na sila ng pag-asa. Kahapon ng umaga, 16 February ay umugong ang balita na pipik-apin na sila ng Immigration Police ngunit muli silang nanlumo nang kumpirmahin na tsismis lang ang lahat.

Nang magtanong diumano ang mga stranded kung kailan magkakaroon ng linaw ang lahat, ang sagot diumano ni si Vice Consul Jose Jacob, Jr. ay "maybe tomorrow, maybe next week, maybe never..."

Lumalabas ngayon na malinaw na ang tanging layunin ng Konsulada ay itago sa mata ng publiko ang mga 'stranded' na nagkakampo sa Consulate upang palitawin na mayroon silang nagawa kahit papaano.

Tuesday, February 12, 2008

panggagalaiti

Nanggagalaiti pa rin ako sa galit at frustration dahil sa ginagawa (o hindi ginagawa) ng Consulate para sa mga stranded...

Monday, February 4, 2008

Ang Tulay Republic

Notes ni Droidz

Una naming na-monitor ang pagdagsa ng mga Pilipino sa ilalim ng Kandara Bridge noong Enero 15 sa pamamagitan pa rin ni Ate Edith Mahinay, Tagapangulo ng Kapisanan ng Migranteng Pilipino (KMP). Noon pa lang, umabot na daw ng 200 katao ang nagkakampo doon na nagbabakasakali na makauwi kabilang na ang 50 Pilipino.

Kabilang sa naabutan namin doon si Caloy, 33 taong gulang, tubong Maynila at isang color technician. Dumating sya sa Saudi Arabia noong 5 Enero 2005 kasama ang isa pang Pinoy. Nadestino sila sa Gassim, Buraida (sa central region), mga sampung oras ang layo mula sa Jeddah, Saudi Arabia.

"Double job kami pagdating namin dun tapos pinag-o-overtime kami na walang bayad," kwento ni Caloy sa akin. "Bukod lang yung mga kaltas."

"Sabi kasi ng employer sa agency, malaking kumpanya daw sila. Pagdating dito, establishment lang pala. Yung kapatid nya, merong construction company pinagtatrabaho pa kami dun," patuloy pa ni Caloy.

Matapos ang anim na buwan (15 June 2005), tumakas silang dalawa ng kasamahan at nakarating sa Jeddah. Nagpagala-gala sila ng sumunod na mga buwan, nakahanap ng trabaho na karaniwang tumatagal ng hanggang ilang buwan lang.

Makalipas ang Pasko nitong nakaraang taon, may nakausap silang ahente ng 'backdoor,' isang diumano'y paraan para makauwi sa Pilipinas. Siningil sila ng SR 600 (halos PhP 6,000) pero iniwan lang silang sa isang Mall na malapit sa kinalalagyan nila ngayon.

Pagkakaisa. "Dati nang merong mga maliliit na grupo dito," kwento pa ni Caloy. "Merong tinatawag na 14K, 18K, F4, atbp."

Dati daw nag-aambagan lang sila sa pagkain. Nang maubos ang kanilang itinatagong pera, dun sila nagsimulang manghingi ng suporta sa mga taong nakakausap nila sa palibot ng tulay. Hanggang dumating na ang tulong ng media at ng iba pang mga organisasyong Pinoy, na nagbigay ng pagkain, tent, atbp pangangailangan.

"Pinagkaisa na namin ang mga grupo kasi kailangan na," kwento pa ni Caloy.

Napansin kasi nilang kakaunti lang ang nakakasampa (inaaresto ng Immigration Police para ipa-deport) at dumarami na nang husto ang kanilang hanay. Nagsisimula na ri silang mawalan ng pag-asa na makasampa.

Sumulat sila ng isang Appeal sa Philippine Consulate na nagsisilbing ring batayan ng kanilang pagkakaisa. Inayos ang hanay, kabilang ang pagkain at seguridad. Tinukoy ang mga tagapagsalita.

At noong 3 Pebrero, nagdesisyong magtipon-tipon sa Philippine Consulate upang makipag-dayalogo kay Consul General Ezzedin Tago para hilingin ang kanilang repatriasyon o pag-uwi.
Appeal sa Philippine Consulate ng mga Stranded sa Ilalim ng Tulay : 1, 2, 3.

Sunday, February 3, 2008

Sa Ilalim ng Tulay

Notes ni Droidz

Pumunta kami kagabi (02 February 2008) sa ilalim ng tulay ~ ang tambayan ng mga stranded dito sa Saudi Arabia na nagsusubok na makauwi sa kani-kanilang bansa. Ito ang inabutan namin, isang linya ng tent kung saan natutulog ang mga Pinoy na stranded:
Inimbita kami doon ni Ate Edith, lider ng Kapisanan ng Migranteng Pilipino (KMP), isang organisasyon na kaanib ng Migrante International. Ang KMP ang direktang linya ng Migrante Saudi Arabia sa mga 'runaway' o 'stranded' dahil karamihan sa kanilang miyembro ay mga dating 'runaway' na nakabalik muli at nakapagtrabaho sa Saudi.

Ang balak lang namin talaga, bisitahin ang isang grupo na kinupkop ng KMP. Kaya naghanda kami ng kaunting mapagsasaluhan para sa kanila at ang karagdagang tent na kailangan nila para mayroon silang dagdag na tulugan.

Alas-diyes na noon ng gabi, hindi pa pala sila naghahapunan (nagtago sa camera si Ateng, ang nakatokang tagaluto ng oras na iyon).

Hindi namin naisip na nakapagplano na pala sila na magtungo sa Consulate ngayong araw na ito at talagang hinihintay nila kami upang hingin ang suporta ng Migrante. Ito naman si Bob Fajarito, ang Chairperson ng Migrante Jeddah kausap ang mga lider ng Pinoy sa ilalim ng tulay.

Sa paglilibot ko, napansin ko ang grupong ito ng mga Pakistani na dun din natutulog sa ilalim ng tulay ~ obviously mga 'stranded' din na naghihintay ng tsansa na makauwi. Kayo na ang magsabi kung masarap ang buhay dun.

Hindi madali ang buhay ng 'stranded.' Bilang organisasyon at bilang indibidwal, naniniwala ako na dapat na silang makauwi sa lalong madaling panahon.