Monday, February 4, 2008

Ang Tulay Republic

Notes ni Droidz

Una naming na-monitor ang pagdagsa ng mga Pilipino sa ilalim ng Kandara Bridge noong Enero 15 sa pamamagitan pa rin ni Ate Edith Mahinay, Tagapangulo ng Kapisanan ng Migranteng Pilipino (KMP). Noon pa lang, umabot na daw ng 200 katao ang nagkakampo doon na nagbabakasakali na makauwi kabilang na ang 50 Pilipino.

Kabilang sa naabutan namin doon si Caloy, 33 taong gulang, tubong Maynila at isang color technician. Dumating sya sa Saudi Arabia noong 5 Enero 2005 kasama ang isa pang Pinoy. Nadestino sila sa Gassim, Buraida (sa central region), mga sampung oras ang layo mula sa Jeddah, Saudi Arabia.

"Double job kami pagdating namin dun tapos pinag-o-overtime kami na walang bayad," kwento ni Caloy sa akin. "Bukod lang yung mga kaltas."

"Sabi kasi ng employer sa agency, malaking kumpanya daw sila. Pagdating dito, establishment lang pala. Yung kapatid nya, merong construction company pinagtatrabaho pa kami dun," patuloy pa ni Caloy.

Matapos ang anim na buwan (15 June 2005), tumakas silang dalawa ng kasamahan at nakarating sa Jeddah. Nagpagala-gala sila ng sumunod na mga buwan, nakahanap ng trabaho na karaniwang tumatagal ng hanggang ilang buwan lang.

Makalipas ang Pasko nitong nakaraang taon, may nakausap silang ahente ng 'backdoor,' isang diumano'y paraan para makauwi sa Pilipinas. Siningil sila ng SR 600 (halos PhP 6,000) pero iniwan lang silang sa isang Mall na malapit sa kinalalagyan nila ngayon.

Pagkakaisa. "Dati nang merong mga maliliit na grupo dito," kwento pa ni Caloy. "Merong tinatawag na 14K, 18K, F4, atbp."

Dati daw nag-aambagan lang sila sa pagkain. Nang maubos ang kanilang itinatagong pera, dun sila nagsimulang manghingi ng suporta sa mga taong nakakausap nila sa palibot ng tulay. Hanggang dumating na ang tulong ng media at ng iba pang mga organisasyong Pinoy, na nagbigay ng pagkain, tent, atbp pangangailangan.

"Pinagkaisa na namin ang mga grupo kasi kailangan na," kwento pa ni Caloy.

Napansin kasi nilang kakaunti lang ang nakakasampa (inaaresto ng Immigration Police para ipa-deport) at dumarami na nang husto ang kanilang hanay. Nagsisimula na ri silang mawalan ng pag-asa na makasampa.

Sumulat sila ng isang Appeal sa Philippine Consulate na nagsisilbing ring batayan ng kanilang pagkakaisa. Inayos ang hanay, kabilang ang pagkain at seguridad. Tinukoy ang mga tagapagsalita.

At noong 3 Pebrero, nagdesisyong magtipon-tipon sa Philippine Consulate upang makipag-dayalogo kay Consul General Ezzedin Tago para hilingin ang kanilang repatriasyon o pag-uwi.
Appeal sa Philippine Consulate ng mga Stranded sa Ilalim ng Tulay : 1, 2, 3.

No comments: