Monday, February 18, 2008

kasuklam-suklam

Kasuklam-suklam. Iyan ang pagkaka-describe ni Jim, isang 'stranded' na Pinoy tungkol sa kanilang kalagayan sa deportation sa Riyadh, Saudi Arabia.

Hindi ko pa naitanong kung paano naging 'stranded' si Jim ngunit kasama sya sa 24 na kalalakihan na pumirma sa 'legal deportation process' na inilako ni Consul General Ezzedin Tago. Ini-endorso ni Tago ang 24 sa Immigration Police ng Saudi Arabia at pinick-up sa loob mismo ng Konsulada noong Pebrero 10.

Matatandaan na noong kainitan ng camp-out ng humigit-kumulang 88 'stranded' sa Philippine Consulate, inilako ni Tago at ng mga alipores nya ang 'legal deportation process' o 'due process' upang hatiin ang mahigpit na pagkakaisa ng mga 'stranded.' Dalawa lang mula sa 88 ang pumayag ngunit pinagtatawagan ng Konsulada ang iba pang 'stranded' na nasa labas at nagtatrabaho, hinikayat na lumitaw, at pinaasang makakauwi sa pamamagitan ng 'due process' kaya't umabot ang grupo sa 24.

Sa isang banda ay nagtagumpay ang Konsulada na hatiin ang grupo dahil mula sa orihinal na 88 kalalakihan, may humiwalay na 12 pa.

Bakit mahigpit ang paninindigan ng mga 'stranded' na huwag tanggapin ang alok na 'due process'? Simple lang ~ dahil nanganganib silang maibalik sa kani-kanilang mga employer na tinakasan na nga nila dulot ng iba't-ibang kaso ng pang-aabuso, pagmamaltrato at paglabag sa kani-kanilang kontrata. (At tama ang pagsusuri ng mga 'stranded' dahil kumpirmado nang isa sa 24 ay nabawi na ng employer na tinakasan nito.)

Frantic

Kahapon, naging sunud-sunod ang miscall at text ng mga 'stranded' na nag-due process. Kung matatandaan, sila yung nag-text tungkol sa kanilang kawawang kalagayan sa loob ng 'deportation' ng Jeddah. Ibinabyahe daw sila ng Jawassat (o Immigration Police) patungo sa Riyadh. Ayon kay A.E., 13 daw sila at nakaposas silang lahat kaya hindi nila maintindihan kung bakit gayong hindi naman sila kriminal. (May statement ang Migrante Saudi Arabia kaugnay nito...)

Saktong 3:18 PM (Saudi time), tumawag akong muli sanhi ng kanilang miscall. Nakarating na daw sila sa Riyadh. Si Jim na ang kausap ko dahil sa kanya pala ang telepono. Ipinasok daw sila sa isang selda na ang laki ay 8 x 15 m (malaki pa ng konti ang isang regular na classroom sa Pinas) kasama ang 100 pa na ibat-ibang lahi.

Nag-litanya na si Jim:

"Depressed na kaming lahat dito, sir. Walang mahigaan dito. Hindi kami makalakad sa sobrang siksikan. Tayo-upo lang kami. Gitgitan pa ang pag-upo. Nasa eskinita na kami, sir. Ako andito na ako sa may rehas, tabi ng pinto. Hindi pa
kami kumakain mula kanina."

"Kasuklam-suklam ang kalagayan namin dito, sir. Please tulungan nyo kami na maiparating sa lahat kung ano ang kalagayan namin dito."


"Yung isang kasamahan namin hinang-hina na... si Noel... Farrales. Sa sobrang init, saka pagod."


"Ano ba naman itong ginawa nila sa amin, sir. Hindi ito ang sinabi nila sa amin nong pinapamirma nila kami ng 'due process..."

"Hindi namin alam kung bakit balik kami uli sa simula. Sinisingil kami para daw sa litrato e anong ibibigay namin, wala na kaming pera."

"Tumawag ako kay Andam (tauhan ng Consulate sa Jeddah) nagulat din sya bakit kami andito. Ang sabi sa amin, bukas pa daw kami pupuntahan... Hindi man lang ba kami pwedeng silipin maski sandali lang. Sabi nya, bukas na lang daw..."

"Huwag mo na lang sabihin pangalan ko, sir. Ma... ano ang pamilya ko pag nalaman nila na ganito ang kalagayan ko ngayon dito..."

Noon, naglubay kami sa pagbatikos sa Konsulada upang bigyang daan ang kung anumang plano nila para sa mga kakabayan natin. Ngayon, panahon nang muli nang paniningil!

No comments: